04.13.16

Nakakainsulto.

Na marinig ang mga salitang mapanghusga mula sa isang kilala at edukadong manunulat (at ang mga bulong bulungan ng mga suma-sangayon sa kanya) : “Elite para sa elite.”

Nagtapos ako sa Ateneo de Manila University. Hindi mayaman ang aking pamilya. Magsasaka ang tatay ng tatay ko, guro naman ang tatay ng nanay ko. Ang mga nanay nila ay parehas naiwan sa bahay para buhayin ang 8/6 pa nilang mga anak. Pero, hindi rin kami mahirap. Parehas nagtapos ang mga magulang ko, at masasabi kong malayo na ang narating nila dahil sa kanilang pagtitiyaga. Napag-aral nila ako sa tulong ng educational plan, at sa malaki pang porsyentong natira, dugo at pawis ang inialay nila.

Hindi ko kayang makipagsabayan sa mga tunay na sosyal. Pero hindi ko rin naman masasabing ako’y walang-wala. Araw-araw akong nakikipagsapalaran sa pampublikong transportasyon, pero alam ko rin ang ginhawa (o kawalan nito) ng may pribadong kotse. Naranasan ko nang umiyak dahil hindi ko alam kung saan ako pupulot ng pangkain sa darating na mga linggo, pero nakakain na rin ako sa mga mamahaling restaurant. Nahold-up na ako sa EDSA, hinabol ng wala sa katinuan sa Ortigas, namura ng estudyante, naparangalan, at hinangaan. Para sa mga tulad kong pinaghirapan ang lahat ng “kayamanan,” para sa mga “sakto lang” ang katayuan sa buhay, saan ako dapat lumugar? Sa bandang huli, ang unibersidad na aking pinanggalingan lang ba ang sukatan ng aking pagkatao?

Para lang alam ninyo, sa loob ng 5 1/2 taon na iginugol ko sa Ateneo (kasama post-grad), kahit kailan hindi ko naramdaman na batayan ang kaantasan. May mga naging kaklase akong artista, anak ng politiko, anak ng mangingisda, iskolar –pero kahit kailan hindi ko naramdaman na may nahusgahan batay sa pinanggalingan. Oo, may mga mayayabang. May mga layunin lang ang magpayaman. Hindi ko itatanggi yun. Pero siguro mapalad lang ako dahil mas marami akong nakilalang may pakealam. Dalawa sa kilala kong mga nagtapos ng may pinakamataas na karangalan ngayon ay nagtatrabaho sa gobyerno. Isa sa kanila, nakasama kong magturo sa pampublikong paaralan sa loob ng 2 taon. Yung tinatawag ninyong mga conyo, isa sa kanila nag-aaral ng medisina para makatulong sa mga batang may malubhang karamdaman. Yung isa, tinalikuran ang kinikitang mataas na sahod upang magtayo ng sariling non-government organization. At yung isa inialay ang kinabukasan para magsilbing misyonaryo. Iilan lang sila sa mga tahimik na ninilbihan para sa bansa. Kung kasalanan ang pagkakaroon ng idealismo, mabuti nang magkamali kaysa walang nagawa.

Ngayon ko lang tunay naunawaan at nabigyan ng personal na kahulugan ang sinabi ng propesor ko sa Teolohiya na si G. Bobby Guevarra, masarap maging Atenista dahil masakit maging Atenista. Buong buhay na yatang nakatatak sa noo ko ang unibersidad na pinanggalingan ko. Kapag may nagawa akong mabuti, “ang bait talaga ng mga Atenista” ang hirit nila. Kapag may nagawang hindi maganda,  “Atenista kasi” ang bukambibig ng iba. Damay na rin ako sa mga nagawa, hindi nagawa, gagawin at hindi gagawin ng ibang taga-Ateneo. Naranasan ko ito sa eskwelehan kung saan ako nagturo, sa opisina, at oo, pati na rin sa aking pamilya. Nararanasan pa rin.

Gusto kong manatiling galit sa pagkakahon ng lipunan. Pero ang  ganitong pamamaraan ng pag-iisip ang mismong dahilan ng ating hindi pag-asenso. Realidad na hindi pantay-pantay ang pangekonomikong kalagayan ng bawat Pilipino. Pero responsibilidad natin na piliin kung paano natin ito tutugunan.

Bilang guro
Bilang mag-aaral ng sikolohiya

Bilang tao, tungkulin kong unawain ang pinanggagalingan ng naghihimutok na mamamayan. At hindi ito mapagtatagumpayan kung hanggang panlabas na katangian lang ang kaya kong tignan.

1 comment
  1. Ditto. Thank you for writing this piece. This needed to be said. :)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: